NAGA CITY – Nakaalerto na ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pantalan sa Camarines Sur kaugnay ng posibleng epekto ng binabantayang sama ng panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ensign Bernardo Pagador Jr., station commander ng PCG-Camarines Sur, sinabi nitong nakausap na niya ang mga sub-station commanders sa lahat ng pantalan sa lalawigan na maghanda.
Nakahanda na rin aniya nila ang disaster response unit para sa mga hindi inaasahang pangyayari sa gitna ng sama ng panahon.
Bagama’t nakataas na ang gale warning sa mga karagatang sakop ng Camarines provinces ngunit nakabyahe pa rin ang mga pasahero na patungong Masbate sa tulong ng mga Ro-Ro vessels.
Samantala, maliban sa mga coastal areas, mahigpit din ang ginagawang pagmomonitor ng PCG sa Bicol River na isa sa pinakamalaking ilog sa lalawigan na sakop ang iba’t ibang bayan.
Sa ngayon nagpaalala na lamang si Pagador sa publiko na mag-ingat para maiwasan ang anumang aksidente.