NAGA CITY – Pinagbawalan na ng Philippine Coast Guard-CamSur ang mga mangingisda na pumalaot pa sa karagatan kaugnay ng banta na posibleng dala ng bagyong Jolina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt. Ailene Abanilla, station commander ng PCG sa nasabing lalawigan, sinabi nito na nagpalabas na ang kanilang opisina ng sea travel advisory na nagbabawal sa mga mangingisda o sa anumang sasakyang pandagat na pumalaot pa.
Ayon kay Abanilla, suspendido na rin ang lahat ng byahe ng mga Ro-Ro sa lahat na port sa Camarines Sur.
Sinabi rin nito na nakahanda na ang deployable response group ng PCG na nakatalagang ideploy sakaling manalasa ang bagyo.
Nagkaroon na rin aniya ng abiso ang iba’t ibang sub-stations ng PCG sa mga residente na nakatira sa mga coastal areas ng lalawigan na maging handa sa sama ng panahon.
Dagdag pa ni Abanilla, mananatili ang suspensyon ng byahe ng mga roro at pagbabawal sa mga mangingisda na pumalaot hanggang nakabandera pa ang tropical wind signal sa lugar.
Isa pa aniya sa tinututukan ng opisina ang pagmomonitor sa magiging kalagayan sa ilang bahagi ng bayan ng Buhi dahil sa pagtaas ng level ng tubig ng lake lalao na’t madalas na binabaha ang nasabing bayan.
Pinapaghanda na rin ng ahensiya ang mga residente na malapit sa landslide prone areas sa posibleng pagpapatupad ng pre-emptive evacuation.