Tiniyak ni Philippine Coast Guard Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng maling gawain ng kanilang mga tauhan.
Ito ang binigyang-diin ng opisyalo kasunod ng naging rekomendasyon ng Department of Justice laban sa 19 na Coast Guard personnel na pawang may koneksyon umano sa insidente ng pagtagas ng langis mula sa MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 2023.
Sa isang pahayag ay siniguro ni Admiral Gavan na hindi kinokonsintihin ng PCG ang anumang uri ng mediocrity at maling gawain ng kanilang mga tauhan.
Aniya, nirerespeto at sinusuportahan ng buong hanay ng PCG ang mga umiiral na batas sa bansa upang tiyakin ang pinakamainam na public service sa bansa.
Kasabay nito ay matapang din niyang ipinahayag na gugulong ang ulo ng sinuman sa kanilang mga tauhan na mapapatunayang may pagkakasala sa korte.
Kung maaalala, ang mga sangkot na PCG personnel sa naganap na oil spill sa MT Princess Empress ay nahaharap ngayon sa multiple counts of falsification of private documents, at multiple counts of falsification of public documents.