Agad ipinag-utos ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang imbestigasyon laban sa isa nitong personnel na hinuli ng pulisya dahil sa pagpapaputok ng baril.
Una nang iniulat ng Manila Police District kahapon na nahuli si Apprentice Seaman Christopher Busilan dahil sa umano’y pagpapaputok ng baril, habang nakikipag-inuman kasama ang grupo ng mga kalalakihan sa Lungsod ng Manila.
Batay sa ulat ng pulisya, naunang itinanggi ni Busilan na nagpaputok siya ng baril ngunit kinalaunan ay inamin na rin umano nito. Nakuhanan din siya ng isang revolver na may dalawang bala.
Ayon kay Admiral Gavan, isang administrative investigation ang agad isinagawa ng Coast Guard Inspector General at Internal Affairs Service laban kay Busilan.
Ito ay maliban pa aniya sa imbestigasyon na isinagawa ng PNP dahil sa kanyang kaso.
Kung mapapatunayang guilty, sinabi ng PCG chief na papatawan ang 27 anyos na suspek ng dishonorable discharge from duty.