-- Advertisements --

Tinanggal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang deputy commander ng kanilang istasyon sa Masbate matapos ang insidenteng makalusot ang P170 milyon na ”shabu” shipment at makaraang makarating sa Cebu City Pier.

Ang pagpapalit sa deputy commander ay iniutos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na bahagi aniya ng patuloy na imbestigasyon upang matukoy ang may sala kaugnay ng insidente.

Ang shabu shipment ay nasamsam ng mga ahensya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Pier 5, Cebu City noong Enero 23, 2025.

Ayon sa mga awtoridad ang mga suspek ay isang mag-ina, na sumakay umano ng roll-on/roll-off o RoRo passenger vessel mula Masbate port, at itinago ang kontrabando sa kanilang pribadong sasakyan.

Natuklasan lamang ng mga awtoridad ang kontrabando pagdating ng barko sa Cebu City dahil walang maayos na inspeksyon bago ang boarding ng sasakyan.

Binigyang-diin ng PCG ang kahalagahan ng regular na inspeksyon bilang bahagi ng kanilang mandato upang maiwasan ang ilegal na pagpasok ng droga sa mga pantalan at katubigan ng bansa.

Iniutos ni Gavan ang imbestigasyon hinggil sa hindi pagsasagawa ng routine inspection ng deputy commander bago ang boarding ng sasakyan. Ipinahayag naman ng pinalitang deputy commander na siya ay nasa isang courtesy meeting nang maganap ang insidente.

Sa ngayon hindi pa inilalabas ng PCG ang pangalan ng pinalitang deputy commander habang isinasagawa ang imbestigasyon.