-- Advertisements --
pcg armand balilo
PCG spokesman Commander Armand Balilo

Gagawin daw ng Philippine Coast Guard (PSG) ang lahat ng legal remedy matapos patawan ng korte na guilty ang walong opisyal at tauhan ng Coast Guard na nahaharap sa kasong homicide kaugnay ng pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese sa karagatang sakop ng Batanes noong taong 2013.

Sinabi ni Atty. Rod Moreno, abogado ng walong PCG personnel, bagamat dismayado sila ay igagalang nila ang pasya ng korte at iaakyat na lamang nila sa Court of Appeals (CA) ang naging desisyon ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 15.

Aniya, isasama raw nilang isusumite sa CA ang Notice of Appeals at iaapela na manatili pa ring pansamantalang malaya ang kanyang mga kliyente na nakapaglagak ng piyansa habang nakabinbin pa ang kanilang apela sa korte.

Nanindigan din ang kampo ng mga respondents na kuwestiyonable ang mga inilatag na ebidensiya ng National Bureau of Investigation (NBI) lalo na ang forensic examination sa mga baril na ginamit ng tropa ng PCG.

Ang NBI ang siyang nagsampa ng kaso sa korte laban sa walong tauhan ng PCG.

Ipinaalala pa ni Atty. Moreno na nangyari ang tinaguriang Balintang Channel incidents sa karagatang sakop ng bansa at malinaw ang ginawang panghihimasok ng Taiwanese fishermen sa teritoryo ng bansa.

Pinrotektahan lamang umano ng tropa ng PCG ang bansa mula sa mga dayuhan.

Inirerespeto naman ng Coast Guard ang desisyon ng Korte pero ayon kay PCG spokesman Commander Armand Balilo, hindi sila titigil para humanap ng legal remedies para maresolba ang kaso ng kanilang tropa.

Tiniyak din ng Coast Guard na magiging available ang kanilang mga tauhan sa mga susunod pang pagdinig ng korte.

hong shi cheng