Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) for the West Philippine Sea na aksidente ang nakikitang dahilan ng pagkakabangga ng isang crude oil tanker sa bangka ng mga mangingisdang pinoy sa bahagi ng Pangasinan.
Ito ang sinabi ni Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea batay sa inisyal na imbestigasyon na kanilang ginawa.
Sa isang panayam sinabi ni Tarriela na lumalabas na hindi intensyon o sinadya ang nangyaring pagbangga kundi isang aksidente.
Tumutugma aniya ito sa mga testimonya ng nakaligtas na mga mangingisda na nang nangyari ang insidente ay masyadong madilim ang bahagi ng karagatan kung saan naroon ang kanilang mother board, masama ang lagay ng panahon kaya may posibilidad na hindi nga sila napansin ng malaking barko.
Una rito ay nilinaw na ng PCG na walang kinalaman ang China sa nangyaring aksidente at malayo sa Bajo de Masinloc ang pangyayari kundi mas malapit ito sa bahagi ng Pangasinan.
Sinabi pa ni Tarriela na lumalabas din sa kanilang mga data na isang nautical highway ang bahagi ng karagatan kung saan naglagay ng payao ang mga mangingisda.
Ibig sabihin, sadyang daanan ng marami at malalaking barko ang nasabing lugar.
Dahil dito, sinabi ni Tarriela na para sa mga susunod na hakbang, imumungkahi nila na huwag mangisda o maglagay ng payao sa mga lugar na nagsisilbing nautical highway ng mga barko.