Gumawa ng panibagong legal na aksiyon ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa salvage operations upang matanggal na ang sumadsad na cargo vessel na MT Hyperline 988 na minamanduhan ng Chinese crew sa may karagatan ng San Felipe, Zambales.
Sa 3 pahinang mosyon na inihain ng PCG substation- San Felipe sa municipal trial court ng naturang lokalidad noong Agosto 6, sinabi ng ahensiya na ang pinsala mula sa barko ay mas kapansin-pansin na nagpalala pa sa banta ng sakuna sa kapaligiran at peligro sa buhay, ari-arian at kaligtasan ng mga residente sa coastal community.
Matatandaan, nauna ng naghain ang PCG ng reklamo sa San Felipe Municipal Trial Court ng serious disobidience to an agent of a person in authority laban sa kinatawan ng Hyperline at pinagbawalan ang sakay na 7 Chinese crew ng barko na umalis sa naturang bayan habang humaharap sa hiwalay na kaso ng paglabag sa immigration laws dahil sa ilegal na pagpasok ng mga ito at pagtatago ng kanilang pagkakakilanlan bilang mga dayuhan gayundin dahil sa paggamit ng Philippine flag kahit na ito ay isang Sierra-Leone registered ship at pagbalewala sa inisyung radio challenges nang walang makatwirang dahilan.
Maaalala din na bahagyang lumubog ang naturang barko dahil sa malalakas na alon sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina at Habagat sa bansa.
Nakatakda namang isagawa ang pagdinig sa inihaing mga reklamo at mosyon para sa pagtanggal ng cargo vessel mula sa karagatan ng San Felipe sa Agosto 16 ng kasalukuyang taon.