Ipinaalam na ng Philippine Coast Guard sa Chinese embassy ang nangyaring allision o pagbangga ng umano’y Chinese vessels sa Filipino fishing boat sa Subic, Zambales noong Hulyo 3 na nagresulta sa pagkawala ng isang Pilipinong mangingisda.
Ayon kay PCG spokesman Rear Admiral Armand Balilo, susulat din ang ahensiya sa China Maritime Safety Agency para makipagtulungan sa kanilang nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente.
Inamin naman ni Balilo na magiging mahirap ang kanilang imbestigasyon dahil nakadepende lang sila sa magiging pasya ng shipping company kung papayagan silang mag-imbestiga sa kanilang bansa.
Balak din ng PCG na magpadala ng mga imbestigador sa China at umaasa silang papayagan sila sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Sa isang statement, sinabi ng PCG na base sa accounts of witnesses, ang Chinese bulk carrier vessels na Yong Fa Men at Mei Lan Hu ang napaulat na nakabangga sa Filipino fishing boat na FBCA John Robert dakong 62 nautical miles timog-silangan ng Sampaloc Point sa Subic, Zambales.
Samantala, patuloy ang paghahanap ng mga Coast Guard personnel ng BRP Sindangan sa kalapit na katubigan para sa nawawalang Pilipinong mangingisda na si Jose Mondoñedo.
Ipinaliwanag naman ni Balilo na nangyari ang naturang insidente sa maritime route na dinadaanan ng iba’t ibang mga sasakyang pandagat.