Hindi nagpatinag ang Philippine Coast Guard (PCG) sa presensiya ng Monster ship ng China na nakaangkla sa Escoda shoal.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, iginiit ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na hindi matatakot ang PCG o aatras at hindi din uutusan ang BRP Teresa Magbanua na bumalik sa Palawan alinsunod sa utos ng Pangulo at intensiyon ng PCG Commandant na panatilihin ang kanilang presensiya sa Escoda shoal.
Una ng sinabi ni Comm. Tarriela nitong Biyernes na idineploy ang CCG 5901 o Monster ship sa Escoda shoal para takutin ang PCG 9701 o BRP Teresa Magbanua.
Kaugnay nito, nagsasagawa ng radio challenges ang PCG 9701 o BRP Teresa Magbanua mula ng dumating sa shoal ang naturang dambuhalang barko ng China.
Ayon kay Comm. Tarriela nagsasagawa ang PCG ng radio challenge sa tuwing gumagawa ng kahina-hinalang aktibidad ang panig ng China gaya ng pagdedeploy ng rigid-hull inflatable boats.
Subalit hindi umano direktang sinasagot ng panig ng China kung ano ang kanilang pakay sa lugar sa halip ang sinasabi nila ay nagsasagawa din umano sila ng lehitimong operasyon ng kanilang Coast Guard dahil mayroon umano silang soberaniya sa naturang karagatan.