Hinimok ng Philippine Coast Guard ang China Coast Guard at Chinese maritime militia na tigilan na ang pagsasagawa ng iligal na mga aktibidad sa loob ng maritime territory ng Pilipinas.
Ito ay kasunod ng muling pagsasagawa ng CCG at Chinese maritime militia ng mapanganib na maniobra at blockade formation ng mga ito para pigilan ang rotation at reprovisioning (RoRe) mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Ayungin shoal sa may West PH Sea.
Ayon kay Commo. Jay Tarriela, PCG spokesperson for WPS, naglayag malapit sa dalawang supply boats na chartered ng AFP para magdala ng replenishments sa mga tropa ng bansa na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal ang apat na CCG na natukoy na CCG 21616, CCG 21551, CCG 21556, at CCG 5305 kasama pa ang apat na chinese maritime militia na natukoy din kabilang ang QIONG SANSHA YU 00231, QIONG SANSHA YU 00115, QIONG SANSHA YU 00114, at QIONG SANSHA YU 00008.
Iniskortan ang supply boats ng mga barko ng PCG na BRP Cabra at BRP Sindangan.
Sinabi din ng PCG official na nalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga crew na lulan ng barko ng PCG at supply boats sa naging aksiyon ng mga barko ng China.
Saad pa ng PCG official na magkabalikat na naninindigan ang PCG at AFP sa kanilang shared commitment para protektahan ang soberaniya, sovereign rights at maritime jurisdiction ng bansa sa Ayungin shoal alinsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.