Idedeploy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang BRP Gabriela Silang para sa 2-week mission sa Batanes at Philippine Rise simula sa araw ng Lunes, Marso 4, 2024.
Ayon kay PCG spokesperson CG Rear Admiral Armando Balilo, magpapatrolya ang barko ng PCG sa bisinidad ng nabanggit na mga karagatan para masagawa ng maritime domain awareness, paigtingin pa ang presensiya ng Coast Guard sa Northern Luzon at para bantayan ang mga lokal na mangingisdang Pilipino sa lugar.
Kaakibat nito, sisiyasatin din ng Coast Guard vessel ang napaulat na research vessels ng China na namataang umaaligid sa PH Rise noong nakalipas na linggo.
Samantala, ang air assets naman ng Coast Guard Aviation Force ay magiging standby para sa posibleng augmentation lalo na sa pagsasagawa ng aerial surveillance.
Ito ay kasunod ng naispatang 2 barko ng China sa mayamang karagatan ng PH Rise sa silangang bahagi ng Luzon. Naglayag ang mga barkong ito ng China sa pagitan ng Basco, Batanes at mga isla sa main island ng Luzon.