LEGAZPI CITY – Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) na seguridad lamang ng mga biyahero ang isinasaalang-alang sa pagkansela ng biyahe ng ilang sasakyang pandagat dahil sa gale warning.
Ito’y matapos punahin ng ilang lokal na opisyal ng Rapu-Rapu, Albay ang pagkansela ng biyahe at hindi magandang sitwasyon ng mga stranded passengers.
Sinabi ni PO2 Franklin Oquindo, duty petty officer on operations sa Coast Guard Substation sa lungsod ng Legazpi na pinapayagan ang pagbiyahe ng mga barko sa Tabaco City Port dahil malalaki ito kumpara sa passenger boats na dumadaong sa Legazpi City.
Problema din aniya ng ahensya ang pag-monitor sa mga bangkang nagpupumilit na maglayag kahit ipinagbabawal.
Aminado rin si Oquindo sa hindi magandang sitwasyon ng mga pasahero habang nanawagan sa lokal na pamahalaan na gayahin ang kasunduan sa pag-sustain ng pagkain ng mga ito kung may kalamidad at naantalang biyahe.
Umaasa ang opisyal na mabibigyan ng pinal na pagresolba ang isyu kung magkakaharap ang dalawang panig.