Ikinustodiya ng Philippine Coast Guard sa bayan ng San Felipe sa lalawigan ng Zambales ang isang merchant vessel na minamanduhan ng 7 Chinese crew nitong Huwebes, Mayo 17.
Sa inisyal na ulat, sinabi ni PCG sub-station in Zambales Commander Euphraim Jayson Diciano, ang MV Hyperlink 988 na nakarehistro sa Freetown, Sierra Leone ay nakakustodiya sa bisinidad ng katubigan ng Barangay Sindol matapos na magsagawa ng inspeksiyon ang PCG sub-station sa barko at nadiskubre ang 21 deficiencies.
Sa naturang inspeksiyon, napag-alaman ng PCG personnel na walang hard copies ng kaukulang permits ang merchant vessel at iba pang mga dokumento kabilang ang listahan ng mga tripulanteng lulan nito.
Ayon sa kapitan ng barko, ang destinasyon nito ay ang daungan sa Maynila subalit dahil sa mahal ang anchorage fees, pinili umano nila ang mas affordable na pagdadaungan.
Subalit dahil sa walang daungan ang bayan ng San Felipe, hindi nagbayad ng anumang fees ang nasabing barko.