Inihahanda na ng Philippine Coast Guard ang isasampang kasong administratibo laban sa may-ari ng MV Mirola 1 ayon kay Philippine Coast Guard Station Bataan Commander Michael John Encina.
Ang naturang merchant vessel ay may kargang diesel oil na sumadsad sa mababaw na parte ng baybayin dagat ng Sitio Quiapo, Barangay Biaan sa Mariveles, Bataan noong nakalipas na buwan.
Sa katunayan, ayon sa PCG official ipapatawag ang may-ari ng merchant vessel sa susunod na linggo para magpaliwanag sa nangyari.
Samantala, nakadepende na aniya sa pagpapasya ng may-ari ang isasagawang pagkumpuni sa barko na nagtamo ng pinsala sa insidente.
Sa ngayon na-contain na aniya ang MV Mirola 1 kayat nakahinga ng maluwag ang opisyal dahil naresolba na ang isa sa maritime incident sa kanilang lalawigan.
Maliban kasi dito, dalawang iba pa ang kasalukuyang kino-contain ng mga awtoridad, ang malawakang oil spill na idinulot ng MT Terranova na lumubog sa may Limay, Bataan noong July 25 at MTKR Jason Bradley na tumaob naman sa may Mariveles dahil sa masamang lagay ng panahon noong July 27.