Iniimbestigahan na ng Philippine Coast Guard kung sangkot sa oil smuggling o “paihi” ang 3 barkong nagdulit ng oil spill sa Bataan.
Sa ilalim ng sistemang “paihi”, ang langis mula sa isang malaking sisidlan ay inililipat sa mas maliliit na sasakyan sa dagat upang maiwasan ang pagbabayad ng buwis.
Ayon kay PCG National Capital Region (NCR)-Central Luzon spokesperson Lieutenant Commander Michael John Encina, inaalam na ng kanilang investigating team ang tunay na dahilan kung bakit nasa karagatan ng Bataan ang lumubog na MT Terranova, MTKR Jason Bradley at MV Mirola bago nangyari ang mga insidente.
Masusing nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa ibang mga ahensiya para tumulong sa nakalipas na citations ng naturang mga barko.
Una ng sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez noong Sabado na tinitingnan ng Department of Justice (DOJ) ang posibleng “conspiracy” o sabwatan na maaaring humantong sa kamakailang oil spill sa karagatan ng Bataan na kinasasangkutan ng tatlong sasakyang pandagat na nag-leak ng libu-libong litro ng gasolina sa Manila Bay.
Noong Biyernes, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tinitingnan ng DOJ ang pagsasampa ng class suit laban sa mga responsable sa oil spill. Sinabi rin ng kalihim na ang lahat ng tatlong barko ay magkakaugnay.
Tiniyak naman ni Lt. commander Encina na titiyakin nilang mapapanagot ang mga responsable sa tumagas na langis.