Iniulat ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na walang Pilipino ang hinuli ng Chinese Coast Guard halos dalawang buwan na mula ng ipatupad ng China ang detention policy nito sa disputed waters.
Aniya, walang mangingisdang Pilipino mula sa Bajo de Masinloc ang nahuhuli o naiuulat na nahaharass magdadalawang buwan na simula ng ipatupad ang polisiya noong Hunyo 15.
Agad naman aniyang inaaksyunan ang mga report kung sila man ay hinarass at patuloy aniyang igigiit ang ating karapatan sa nasabing karagatan.
Matatandaan na sa ilalim ng ipinapairal na polisiya ng China, binibigyan nito ng awtoridad ang kanilang Coast Guard na hulihin at ikulong ang mga dayuhang manghihimasok sa karagatang kanilang inaangkin kung saan saklaw nito ang West Philippine Sea sa loob ng 60 araw nang hindi dumadaan sa mga paglilitis.