Iniulat ni Philippine Coast Guard spokeperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na walang nasugatang personnel na lulan ng barko ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua matapos itong direkta at intensiyonal na banggain ng makailang beses ng China Coast Guard 5205 sa Escoda shoal ngayong araw ng Sabado.
Sa isang media briefing, sinabi ni Commodore Tarriela na nagsagawa ng mapanganib na maniobra ang naturang Chinese vessel sa kabila ng unprovoked action ng PCG vessel habang nag-loiter ito sa Escoda shoal. Ang aksyon na ito ay nakapukaw umano ng atensyon mula sa nasabing CCG at Chinese maritime militia vessels na nasa lugar dahilan kaya mas maraming barko ng China Coast Guard ang dumating at mas maraming Chinese maritime militia vessels din ang sumuporta sa kanilang maritime forces para palibutan ang BRP Teresa Magbanua.
Bilang resulta ng pagbangga ng CCG vessel sa BRP Teresa Magbanua, nagtamo ito ng pinsala sa may bridge wing at sa may port bow.
Dakong 2:59 ng hapon, nahulog din ang anchor ng BRP Teresa sa loob din ng Escoda shoal.
Magpapadala naman ang PCG ng grupo patungo sa BRP Teresa Magbanua para suriin ang natamong pinsala ng barko para matiyak ang seaworthiness nito.
Samantala, ayon kay Commodore Tarriela, ito na ang ikalimang maritime incident sa West Philippine Sea sa pagitan ng mga barko ng PH at China ngayong buwan ng Agosto. Ito naman ang unang pagkakataon na pinunterya mismo ng Chinese vessel ang BRP Teresa Magbanua mula ng dumating ito sa Escoda shoal noong Abril ng kasalukuyang taon para magbantay sa shoal dahil sa posibilidad ng reclamation activities ng China sa lugar.