Ipinagkibit-balikat lamang ng Philippine Coast Guard ang panibago na namang claim na pinalutang ng China hinggil sa umano’y “new model” na may kinalaman sa Ayungin shoal.
Kasunod ito ng naging pahayag ng Chinese Embassy in Manila na mayroon umanong “new model” agreement ang Pilipinas at China sa Ayungin shoal na aprubado raw mismo ng mga opisyal ng Department of National Defense at National Security Council, bagay na mariin namang pinabulaanan nina Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. at National Security Adviser Eduardo Año.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Jay Tarriela, ang mga pahayag na ito ng embahada ng China sa Maynila ay pawang kasinungalingan lamang kasabay ng pagbibigay-diin na puro kasinungalingan lamang ang sinasabi nito hinggil sa mga isyu na may kaugnayan sa WPS.
Dahil dito ay sinabi pa ni Tarriela na dapat nang itigil ng publiko ang pagbibigay ng atensyon sa mga ganitong uri ng claim na pinalutang ng Chinese Embassy hinggil sa nasabing isyu para lamang sa kanilang pansariling interes.
Aniya, ang naturang mga pahayag ng nasabing bansa ay nagdudulot lamang ng kaguluhan sa public discourse dahilan kung bakit hindi na aniya dapat pang bigyan ng pansin ang usaping ito.
Samantala, bukod dito ay binigyang-diin din ni Tarriela na paulit-ulit lamang ang umano’y agreement na pinapalabas ng China sa pagitan ng kanilang bansa at ng ilang opisyal ng pamahalaan ng Pilipnas ngunit wala naman aniya silang maipakitang anumang dokumento na magpapatibay dito.