Isiniwalat ng Philippine Coast Guard na 13 sasakyang pandagat ng China ang sangkot sa pinakahuling panghaharass nito sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa pinakahuling insidente ng panghaharang at pamamangga ng China Coast Guard sa resupply boat ng Pilipinas para sa BRP Sierra Madre.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, limang barko ng CCG ang kabilang sa nagsagawa ng shadowing, dangerous maneuvers, at blocking, habang walong Chinese Maritime Militia vessels naman aniya ang kanilang namonitor na kasama sa mga nangharang sa resupply contingent ng Pilipinas.
Salaysay ni Tarriela, gabi palang bago ang mismong araw ng resupply mission ng AFP at PCG ay may namonitor na silang dalawang CCG vessel na bumubuntot sa BRP Cabra, bago pa man makarating sa lugar ang Unaiza May 1 and 2.
Ngunit nang simulan na nila ang kanilang misyon ay dito na sinimulan ng China ang kanilang mga mapanganib na pagmamaniobra laban sa mga barko ng Pilipinas na layuning pigilan ang mga ito sa kanilang isasagawang resupply mission sa Ayungin shoal.
Bagama’t walang nasaktan ay nagtamo naman ng pinsala ang BRP Cabra mula sa pamamangga ng mga barko ng China dito.
Kung maalala, kasunod ng pagsisiwalat na ito ng Pilipinas ay naglabas ng pahayag ang China ukol dito kung saan isinisi pa nito sa barko ng ating bansa ang dahilan kung bakit nagkaroon ng banggaan sa naturang lugar.
Pagbibigay-diin ng National Task Force for the West Philippine Sea na hindi ang Pilipinas ang nagpapalala ng tensyon sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Samantala, kasabay nito ay binigyang-diin ng PCG na ang naging aksyon na ito ng CCG at CMMV ay malaking paglabag sa tatlong kautusan sa ilalim ng 1972 Collission regulations na itinakda ng International Maritime Organization.
Kasabay nito ay ibinunyag ng Department of Foreign Affairs na nanatiling tahimik ang hotline na nag-uugnay sa Pilipinas at China sa kasagsagan ng naturang insidente.
Habang isang bagong diplomatic protest ang inihain nito laban sa China para sa pinakabagong panliligalig nito sa West Philippine Sea.