Lumubog ang isang cargo vessel sa karagatang sakop ng Paluan, Occidental Mindoro kasabay ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Kaugnay nito ay patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard para sa naturang barko.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PCG Coast Guard Southern Tagalog, nakatanggap sila ng report na nawawala ang MV Sta. Monica-A noong Oktubre 27.
Ito ay pagmamay-ari ng Synergy Sea Venture Inc.
Sa ulat, umalis ang nasabing barko sa Sta. Cruz Port, Taytay, Palawan papunta sa Casian, Taytay, Palawan.
Naghanap ito ng mas ligtas na daan dahil sa masamang panahon ngunit hindi na ito mahanap hanggang ngayon.
Nabatid na sakay nito ang sampung crew kasama na ang kapitan ng barko.
Sa nakalipas na araw ay nakarekober ang ilang mangingisda at residente sa lugar ng 10 empty LPG tanks, patay na kalabaw , ilang life jacket na may tatak na MV Sta. Monica A at iba pang bagay na sinasabing mula sa nawawalang barko.