Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na 2 barko ng China Coast Guard (CCG) ang naglayag malapit sa El Nido, Palawan.
Ipinaliwanag ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na kumikilos at hindi nakapirmi ang nasabing mga barko ng China.
Hindi din lumapit ang mga ito sa mismong El Nido at tinahak muli ang hilagang direksiyon.
Ginawa ng PH official ang pahayag matapos iulat ni West Philippine Sea monitor at US marine security expert na si Ray Powell na ang dalawang barko ng CCG na may hull number na 3015 at 3301 ay dumaan sa humigit-kumulang 40 nautical miles mula sa El Nido.
Aniya, ipinadala ng China ang 2 barko ng coast guard nito para sa isang intrusive patrol upang igiit ang pag-angkin nito ng soberanya sa West Philippine Sea.
Samantala, sinabi ni Comm. Tarriela na ang CCG 5901 o ang tinatawag na “monster ship” ay nananatili pa rin sa Escoda (Sabina) Shoal nitong. Martes.
Ang napakalaking patrol cutter ng CCG at siyang pinakamalaking coast guard vessel sa buong mundo ay naka-deploy sa may Escoda Shoal mula noong Hulyo 3.
May layo itong 0.57 nautical miles o isang kilometro mula sa PCG vessel na BRP Teresa Magbanua na idineploy sa lugar simula pa noong Abril para magbantay matapos ang hinihinalang reclamation activities sa Escoda shoal.