Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang ‘shark attack’ ang ikinasawi ng dalawang dayuhang Russian noong nakaraang linggo matapos ang diving activity na ginawa ng mga ito sa Isla Verde, Batangas City.
Ayon sa pahayag ng PCG inatake umano ng mga pating ang mga ito kung kaya’t dahilan ng pagkalunod at posibleng pag-kain sa braso ng isang Russian.
Nagsimula aniya ang aktibidad ng mga diver bandang 1 ng hapon ngunit nakaranas ang mga ito ng malalakas na alon sa ilalim ng tubig makalipas ang 30 minuto, dahilan ng kanilang pagkakahiwalay.
Kasama ng mga biktima ang isang Brazilian at anim na Russian divers, dalawang master divers, ang kapitan ng bangka, at dalawang crew member ng recreational boat na ”D’ Ocean Riders,” na umalis mula sa De Luna Diving Center sa Barangay Aninuan, Puerto Galera para sa diving activity.
Kinumpirma naman ito ng tagapagsalita ng PCG Southern Tagalog, na si Lt. Junior Grade Dawn Baterbonia, sinabi niya na ang sanhi ng kamatayan ni Ilia Peregudin na isang Russian, 29, batay sa mga medical record nito ay ‘asphyxia secondary to drowning with massive traumatic injuries probably secondary to large predatory attack.’ Ang asphyxia ay tumutukoy sa kakulangan ng oxygen, isang kondisyon na dulot ng pagkalunod.
Dagdag pa ni Baterbonia nang tumugon daw ang kanilang mga tauhan mula sa Coast Guard Sub-Station Isla Verde, nakita nilang wala nang malay ang Russian diver at may mga pating na paikot-ikot narin umano sa katawan nito.
Dagdag pa ng PCG na ito ang unang pagkakataon na may naitalang ganitong uri ng predatory attack sa nasabing lugar.
Samantala ipinagtanggol naman ng Commander of the Coast Guard Station Batangas, Captain Airland Lapitan ang mga tauhan nito laban sa mga kritiko na nagduda sa mga pahayag na inatake ng pating ang Russian diver.
Bukod sa pagkamatay ni Peregudin, ang isa pang diver, na si Maksim Melekhov, 39, ay idineklara namang dead on arrival pagdating sa ospital matapos ding malunod.
Hiniling din ng PCG Southern Tagalog na suspendihin ang mga water activites sa Verde Island kung saan ay nakipag ugnayan na raw sila sa mga may-ari ng resort at mga kinatawan ng provincial tourism upang humiling ng suspension.
Para naman masiguro ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang pag-uulit ng insidente, nagsasagawa ang PCG, kasama ang Department of Tourism (DOT) at mga lokal na pamahalaan (LGUs), ng isang magkasanib na pagsusuri tungkol sa ipinapatupad na polisiya.