LEGAZPI CITY – Maglalagay ng nasa 100 na boya ang team ng Task Force Taal sa 7 kms danger zone sa lawa ng Taal sa Batangas.
Ipinag-utos ng Philippine Coast Guard (PCG) ang hakbang para maiwasan ang patuloy na paglayag ng ilang mga residente sa kabila ng total lockdown na ipinatupad sa volcano island.
Ayon kay CGD Southern Tagalog Operations chief LCDR Anthony Cuevas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, magsisilbi ang boya na marka para malaman ng mga residente na nasa 7 kms danger zone ang lugar na nangangahulugan na bawal sila maglayag dito.
Mananatili ito hanggang sa hindi pa nagbababa ng abiso ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) tungkol sa alert level status ng bulkang Taal.
Patuloy aniya ang seaborne patrol operations ng mga operatiba para mapalikas ang mga residente na patuloy na bumabalik sa kanilang mga bahay.
Sa kasalukuyan, pag-aaralan aniya nila ang posibleng hakbang para maiwasan ang pababalik-balik na mga residente sa loob ng 7 km danger zone.