Magpapadala ang Philippine Coast Guard ng oil dispersant at floating barriers para mapigilan ang lalong pagkalat ng tumagas na langis mula sa lumubog na Motor Tanker Terra Nova sa Manila Bay, halos 7 kilometro mula sa Limay, Bataan.
Kaugnay nito, inihahanda ng Coast Guard personnel ang equipment para sa bangka na gagamitin sa pagtanggal ng tumagas na langis sa Manila Bay.
Matatandaan na nangyari ang insidente madaling araw ng Huwebes habang naglalayag ang motor tanker mula Bataan patungo sanang Iloilo na naglalaman ng 1.4 milyong litro ng industrial fuel. Mula sa 17 lulan ng MT Terra Nova, 16 ang nasagip habang nasawi naman ang isang tripulante.
Bunsod ng malalakas na alon, tumaob ang tanker saka lumubog na nagresulta naman ng pagtagas ng langis.
Subalit ayon kay PCG spokesman Rear Admiral Armand Balilo posibleng ang ginamit na diesel para paandarin ang tanker ang tumagas at hindi ang laman nitong industrial fuel oil cargo.
Target naman ng Coast Guard na ma-offload ang cargo sa loob ng 7 araw para mapigilang mangyari ang babala ng opisyal na maging worst oil spill ito sa kasaysayan ng Pilipinas sakaling tumagas.
Nangyari nga ang insidente sa kasagsagan ng malalakas na ulan dulot ng nagdaang Super Typhoon Carina at Habagat na nanalasa sa Metro Manila at sa iba pang mga rehiyon sa bansa.