-- Advertisements --

Magtataas na ng alerto ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa Christmas season simula sa araw ng Biyernes, Disyembre 13 hanggang sa Enero 6, 2025.

Kaugnay nito, inihahanda na ng ahensiya ang kanilang operating units para matiyak ang ligtas, maayos at maginhawang biyahe sa dagat ngayong Christmas season.

Maliban dito, inatasan na rin ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng PCG Districts, stations at sub-stations na paigtingin ang seguridad at mga kaukulang safety measures sa lahat ng mga pantalan at ferry terminals.

Ito ay para na rin sa maayos na operasyon at pagbiyahe ng publiko at seguridad na rin ng mga turista sa beach at private resorts sa buong bansa.

Sa isang statement, sinabi ni Adm. Gavan na inaasahan na nila at pinaghahandaan ang mataas na volume ng maritime traffic.

Nagsagawa na rin aniya ng 24/7 monitoring lalo na sa Visayas kung saan maraming tourist destinations.

Hinikayat naman ni Admiral Gavan ang Coast Guardians na manatiling listo sa pag-inspeksiyon sa mga passenger terminal at sakay ng mga barko. Mayroon din aniyang safety inspectors sa port terminals at law enforcement teams sa strategic tourist vacation spots, patrol teams sa critical vicinity waters at may deployable response groups bilang karagdagang security augmentations at para sa rescue missions sakaling kailanganin.