Hindi umano gumawa ng paraan ang Chinese vessel upang maiwasang mabangga ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino na naka-angkla sa Recto Bank sa West Philippine Sea noong Hunyo 9.
Batay ito sa 13-pahinang joint investigation report ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) na isinumite sa Malacañang noong Hunyo 20, bilang bahagi ng Casualty Investigation Code.
Nakasaad sa Rule 18 ng Collision Regulations or Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (Colreg), dapat na umiwas ang tinatawag na power-driven vessel, gaya ng barko ng Tsina, sa mga sasakyang panglayag na nakatigil o walang kakayahang magmaniobra.
Sinabi rin sa ulat ang pagkabigo ng mga tripulante ng Chinese vessel na tulungan ang 22 mangingisdang Pinoy na kanila lamang inabandona matapos ang insidente.
Ayon pa sa report, sa pamamagitan ng pag-atras at pagtigil 50 metro ang layo mula sa Gem-Ver 1 na noon ay may mga nakabukas na ilaw, maituturing na alam ng barko ng Tsina na nasa peligro ang bangkang pangisda ng mga Pilipino.
Bunsod nito, hindi raw tumalima ang barko ng China sa regulasyon ng United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS).
Maliban dito, itinuring din sa report na “very serious marine casualty” ang pangyayari taliwas sa pahayag ni Pangulong rodrigo Duterte na “little maritime accident” lamang ang nangyari.
Gayunman, binigyang-diin din sa ulat ang pagkakamali rin ng mga Pilipino, tulad ng kabiguang magkaroon ng look-out, pagkakaroon ng hindi lisensyadong chief engineer officer, overloading, pasong BFAR commercial fishing vessel/gear license at expired BFAR certificate of clearance.