Pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang monitoring matapos namataan ang ‘monster ship’ ng China na pakalat-kalat sa karagatang sakop ng Zambales.
Bukod sa ginagawang pagbabantay ng BRP Cabra sa Chinese Coast Guard vessel 5901 ay nakabantay din ang eroplano nilang Coast Guard Islander bilang suporta sa operasyon.
Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, na ang eroplano ay siyang magtatala ng anumang pangyayari kabilang na ang maaring sadyang pagbangga ng CCG vessels.
Matitiyak din nito ang mabilisang rescue operations kung kinakailangan.
Makailang beses na rin aniya silang nagpadala ng radio challenge sa nasabing barko ng China dahil sa iligal ang kanilang operasyon sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Pagtitiyak niya na itu-tuloy-tuloy din nila ang gagawing radio challenge para tuluyang umalis ang nasabing monster ship ng China.