Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na mas pinaigting pa nito ang mga hakbang sa seguridad sa sea ports habang libu-libong mga pasahero ang nagsisimulang bumalik sa Metro Manila ngayong Easter Sunday, Marso 31, matapos ang pag-obserba ng Semana Santa sa lalawigan.
Hanggang alas-12 ng tanghali, nakapagtala ang PCG ng 69,161 outbound passengers at 51,402 inbound passengers sa lahat ng pantalan sa buong bansa.
Bukod sa mga babalik sa Metro Manila, ang mga daungan ay punung-puno rin ng mga pasahero na nagtungo sa capital region at uuwi na sa kanilang mga probinsiya.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Adm. Armando Balilo, puno ng mga pasahero sa Oriental Mindoro, sa Calapan Port ngayong Linggo.
Inatasan naman ni PCG Commandant, Adm Ronnie Gil Gavan ang ground officers na subaybayan ang sitwasyon at tumulong sa pagtiyak ng seguridad at kaayusan sa daungan.
Samantala, pinayuhan ng PCG ang mga biyahero na iwasang sumakay sa mga colorum na pampasaherong bangka.