Matagumpay na nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang lalaki na tumalon umano sa tubig sa Lucena Port sa Quezon.
Sa isang pahayag, iniulat ng PCG na ang Coast Guard Sub-Station-Lucena search and rescue team, katuwang ang Sea Marshal Unit ng Southern Tagalog, ay agad na tumugon sa insidente matapos makatanggap ang ulat mula sa duty operations officer ng Shipping Lines.
Nailigtas ng team ang lalaki, na hindi pinangalanan, at dinala siya pabalik sa pier para sa pagsusuri ng kanyang kalagayan.
Ayon sa pamilya ng biktima, ang 50 taong gulang na residente ng Poblacion, Milagros, Masbate, ay bumiyahe kasama ang kanyang pamangkin sakay ng pribadong barko na umalis mula sa Bapor, Masbate Port noong Pebrero 1 at nakarating sa Lucena Port kinabukasan.
Habang naghahanda upang bumaba, bigla umanong tumalon mula sa starboard side ng ramp ng barko ang lalaki na ayon sa kanyang pamangkin na may pre-existing na kondisyon ang biktima sa pag-iisip o sa kalusugan.
Dumating ang anak ng biktima sa Philippine Ports Authority Port Police upang kunin ang kanyang ama. Habang dinala naman ang lalaki sa pagamutan para sa karagdagang pagsusuring medikal.