Nagdeploy ang Philippine Coast Guard ng rigid hull inflatable boats (RHIBs) mula sa BRP Teresa Magbanua para tulungan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pamamahagi ng fuel assistance para sa mga mangingisdang Pilipino na nasa Sabina shoal sa West Philippine Sea.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa PCG District Palawan na naglalayong matiyak na magkaroon ng access sa langis ang mga mangingisda habang nasa offshore fishing grounds nang walang panghihimasok ng sinumang partido, kabilang ang Chinese Coast Guard.
Ibinahagi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela sa kaniyang X account na nagbigay ng security, safety, at facilitation assistance ang inflatable boats ng PCG sa aktibidad ng BFAR.
Epektibo din aniyang naharang ng inflatable boats ang pagtatangka ng Chinese Coast Guard na makalapit sa BFAR vessels
Ang hakbang na ito ng PCG ay bahagi ng pinalawig na inisyatibo na tinawag na “Bayanihan sa Karagatan,” na nagbibigay diin sa pangangailangan ng isang “One Nation Engagement at Sea” (ONE at Sea) approach upang protektahan ang mga interes ng bansa sa West Philippine Sea.