-- Advertisements --
iloilo dead
Iloilo

ILOILO CITY – Humingi ng paumanhin sa pinakaunang pagkakataon ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang nangyaring trahedya sa Iloilo Strait kung saan 31 katao ang nasawi.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Commo. Allan Victor dela Vega, commander ng PCG-Visayas, sinabi nito na labis nilang ikinalulungkot ang nangyaring trahedya.

Ayon kay Dela Vega, matapos nilang matanggap ang ulat na may tumaob na bangka, kaagad silang nagresponde ngunit dahil sobrang lakas ng alon at hangin, hindi naging madali ang kanilang search and rescue operations.

Ani Dela Vega, matapos tumaob ang MB Chi-chi at MB Keziah 2, bumalik na sa normal ang lagay ng panahon.

Marami na umanong mga bangka ang matagumpay na nakatawid sa Iloilo Strait matapos ang aksidente ngunit ang subasko umano ay hindi maiiwasan lalo na sa karagatan.

Ito aniya ang dahilan kung kaya’t tumaob ang ikatlong bangka na MB Jenny Vince sa Iloilo Strait.

Napag-alaman na noong Sabado pa nangyari ang trahedya sa Iloilo Strait at ngayong araw lang humingi ng pormal na paumanhin ang PCG sa pamilya ng mga namatayan.