Nagawang pigilan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang planong magtayo ng artificial island ang China sa Escoda Shoal.
Ito ay dahil sa presensya ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lugar kung saan nagpadala ng matinding mensahe na hindi ‘helpless’ ang Pilipinas laban sa mga ilegal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay PCG spokesman for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na epektibong pinatigil ng PCG ang Chinese Coast Guard (CCG) sa kanilang mga ilegal na aktibidad sa Escoda Shoal.
“The mere fact that the Philippine Coast Guard has prevented [the] Chinese government in continuing their island reclamation in Sabina Shoal (Escoda Shoal) means we remain to be effective. The state has the sovereign rights over these waters,” pahayag ni Tarriela.
Dagdag pa ni Tarriela na tumigil ang China sa kanilang mga aktibidad dahil sa presensiya ng PCG, subalit nagdi-deploy ang mga ito ng kanilang mga divers kung saan nagsasagawa ng mga measurement.
Kasalukuyang naka deploy sa West Philippine Sea ang BRP Teresa Magbanua, kung saan 26 araw na ito ngayon sa bahagi ng Escoda Shoal.
Inihayag ni Tarriela na malaking tulong din sa pagbabantay ng ating teritoryo sa West Philippine Sea ang pagdating 97-meter vessel mula Japan.
Una ng hiniling ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Japanese government para sa pagbili ng nasabing barko.