Nagbabala si Philippine Coast Guard (PCG) Bataan station commander Lt. Comm. Michael John Encina sa operator ng barkong MV Mirola 1 na kukumpiskahin ang sumadsad na barko kapag patuloy itong hindi nakipagtulungan sa Coast Guard.
Ayon kay Lt Commander Encina, mistulang tumigil nang makipag-coordinate sa coast guard si Mary Jane Ubaldo, ang natukoy na operator ng naturang vessel.
Aniya, kung patuloy na hindi makikipag-cooperate si Ubaldo sa PCG ay mapipilitan ang huli na tanggalin at tuluyang kunin ang naturang barko. Ito na aniya ang magsisilbing kabayaran sa serbisyo ng salvor team.
Ayon pa kay Encina, nagpadala na ang ahensiya ng isang liham kay Ubaldo at inihahanda na rin ang isa pang liham ngayong linggo. Ang PCG ay may mandatong magpadala ng tatlong sulat sa operator, salig na rin sa batas.
Sa ilalim ng Republic Act 9993 o ang batas na bumuo sa PCG bilang isang ‘armed and uniformed’ agency sa ilalim ng DOTr, may mandato ang ahensiya na tanggalin ang lahat ng banta sa navigation o paglalayag at mga banta sa marine environment.