Pinangunahan ng Philippine Coast Guard ang evacuation at rescue operation sa ilang mga lugar sa Palawan dahil sa malawakang pagbaha dulot ng shear line.
Agad idineploy ng Coast Guard District Palawan ang Deployable Response Group (DRG), nito kasama ang mga team mula sa CG Station Central Palawan at Special Operations Group (SOG) upang umalalay sa lokal na pamahalan at iba pang rescue team, kasabay ng malawakang evacuation effort sa mga residente.
Hanggang kaninang umaga, umabot na sa 151 pamilya ang inilikas mula sa Puerto Princesa City. Ito ay binubuo ng 600 katao.
Dinala ang mga ito sa anim na evacuation center. Ang iba sa mga evacuees ay pinili na ring pansamantalang makitira sa kanilang mga kaanak at kakilala.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang pagpapalikas sa mga binahang residente mula sa Puerto Princesa at iba pang mga lugar sa Palawan.
Batay sa report ng PCG, maraming mga kabahayan na ang inabot ng tubig-baha at ang ilan sa mga ito ay umabot na sa lampas baywang.
Kailangan na ring gumamit ang mga resuers ng rescue boats at mga lifevest upang ligtas na maabot ang mga lugar at mga kabahayan na labis na nalubog sa tubig-baha.
Una nang iniulat ng state weather bureau ang pagbuhos ng tubig ulan sa malaking bahagi ng Palawan kahapon, pangunahin na sa Puerto Princesa na nakaranas ng hanggang 150mm ang tubig-ulan sa loob lamang ng ilang oras.