May barko nang papalit sa BRP Teresa Magbanua, para mag patrolya sa Escoda Shoal.
Ito ang kinumpirma ni National Maritime Council Spokesperson Alexander Lopez.
Subalit tumanggi muna si Lopez na tukuyin, kung anong barko ng Philippine Coast Guard ang ipinalit sa BRP Teresa Magbanua.
Ayon kay Lopez kasalukuyang naglalayag na ito at posibleng malapit na ngayon sa bisinidad ng Escoda shoal.
Ang pagpapadala ng panibagong barko ay kasunod ng ibinabang direktiba ni PCG Commandant Ronnie Gil Gavan.
Mahigpit din anya ang utos sa kanila ni Pangulong Bongbong Marcos, na panatilihin hindi lang ang physical presence/ kundi maging ang strategic presence ng Pilipinas sa lugar.
Kabilang sa mga modalities na ito ng AFP at PCG ay ang technical coverage, kung saan kaya pa ring ma-monitor at ma-detect ang anumang illegal na aktibidad sa lugar. Nakikipag tulungan din anya sila sa mga kaalyadong bansa tulad ng Japan at US para sa naturang aspeto.
Muli namang nilinaw ni Lopez na humanitarian ang dahilan, kung bakit ibinalik sa homeport ang BRP Magbanua, at hindi dahil nag withdraw na ang Pilipinas sa karapatan nito sa Escoda.
Nabatid na nagkakasakit na ang mga crew ng BRP Magbanua, at nangangailangan ng agarang atensyong medikal.