Ipinag-utos ni Philippine Coast Guard (PCG) commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan, sa Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon (CGDNCR-CL) na magpadala ng mahigit 1,100 personnel upang suportahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at LGU ng Maynila para sa ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Nazareno de Quiapo.
Ayon kay Admiral Gavan, inaasahang dadalo ang milyon-milyong deboto sa mga aktibidad sa Traslacion 2025.
Kaya ang PCG ay tutulong sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng publiko laban sa mga panganib tulad ng terorismo, stampede, sunog sa kalapit na lugar, at mga natural na sakuna tulad ng lindol.
Mula pa noong Disyembre 30, 2024, nagsasama ang PCG ng mga K9 teams, Explosive Ordnance Disposal (EOD) units, Special Operations Groups (SOGs), Civil Disturbance Management (CDM) teams, at Deployable Response Groups (DRGs) sa Quirino Grandstand, Jones Bridge, at paligid ng Quiapo Church.
Nariyan din ang mga eksperto sa intelligence, crowd security personnel, at medical officers ng Coast Guard para sa pinakamataas na seguridad at kaligtasan, lalo na sa prusisyon ng Itim na Nazareno.
Magpapadala rin ang PCG ng 21 floating assets para sa maritime security at safety operations sa tubig ng Pasig River at Manila Bay, pati na ang siyam na land vehicles para sa pag-iinspeksyon sa lungsod.
Dagdag pa ni Admiral Gavan, ang PCG ay kaisa ng mga kapatid nating Katoliko sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.
Tinitiyak niya na magiging matagumpay at memorable ang Traslacion 2025 sa tulong ng national government at mga ahensya ng pagpapatupad ng batas.