Nagsagawa ng patrol operations ang Philippine Coast Guard Northeastern Luzon District sa mga karagatang sakop ng NE Luzon bilang pagbabantay sa mga manlalayag at mangingisdang posibleng magpumilit na pumalaot.
Ito ay sa gitna ng pagbabawal na maglayag dahil na rin sa banta ng bagyong Marce. Ito ay bahagi ng No Sail Policy na ipinapatupad ng ahensiya.
Ang karagatan ng north eastern Luzon ay una na ring isinailalim sa gail warning, nangangahulugang mapanganib na ang paglalayag sa anumang tonnage ng mga sasakyang pandagat.
Ayon sa PCG, kailangang mabantayan at mapigilan ang mga mangingisda at manlalayag na posibleng magpumilit pang pumalaot upang maiwasan ang anumang casualties habang nasa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.
Kabilang sa mga sinuyod ng PCG ay ang mga dalampasigan ng Cagayan, Aurora, Isabela, at iba pang mga lugar sa northern Luzon.
Nakahanda na rin ang Deployable Response Group sa lahat ng station at sub station ng naturang CG District.