Naglabas ng mga larawan ang Philippine Coast Guard ng aktong pangunguha ng mga tauhan ng China ng mga giant clam at iba pang marine species sa Bajo de Masinloc shoal.
Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commo. Jay Tarriela, layunin ng pagsasapubliko ng mga larawan na ito na ipakita na noon pa man ay may nagaganap nang ganitong uri ng mga ilegal na aktibidad ang China sa teritoryong nasasakupan ng ating karagatan.
Bahagi aniya ito ng transparency strategy ng Pilipinas upang ipagbigay-alam sa mga kritiko na hindi lumala ang tensyon sa West Philippine Sea sapagkat ang mga aktibidad na ito ng China ay dati na talaga nilang ginagawa ngunit hindi lamang naisasapubliko.
Aniya, kailangan na maintindihan ng ating mga kababayan na ang mga agresibong aksyon na ito ng China sa WPS ay hindi lamang nagsimulang mangyari sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayon.
Sa datos ng PCG, ang kuha ng naturang mga larawan ay mula pa noong taong 2017 hanggang 2019 at na isumite na rin aniya sa Office the President at iba pang ahensya ng pamahalaan ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit sinabi ni Tarriela na hindi niya batid kung nagkaroon ba ng tugon ang gobyerno noon sapagkat hindi pa aniya siya ang umuupong tagapagsalita ng PCG para sa usapin sa WPS noon.