Pinayuhan ng Philippine Coast Guard ang mga manlalayag sa Northern Luzon kasunod ng panibagong pagpapalipad ng China ng Long March 7A rocket mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Wenchang, Hainan Province.
Ito ay kalakip ng inilabas ng Department of Transportation(DOTr) na Notice to Mariners kung saan inaasahang papaliparin ang rocket mula Agosto-21 hanggang Agosto 25, 2024.
Inaasahang ilang mga bahagi o debris ng naturang rocket ay babagsak sa bisinidad ng natukoy na drop zone na tinatayang 38 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte at 66 nautical miles mula sa Sta Ana, Cagayan.
Dahil dito ay pinag-iingat ng PCG ang mga barko at lahat ng sasakyang pandagat na posibleng bibiyahe sa mga naturang katubigan.
Pinapayuhan din ng PCG ang mga manlalayag na i-secure ang mga ginagamit na sasakyang pandagat.
Huling nagpalipad ang China ng Long March 7A rocket noong June 29, 2024 kung saan naglabas din ang Philippine Space Agency (PhilSA) ng kahalintulad na notice.