Agad naglunsad ang Philippine Coast Guard (PCG) ng search and rescue operations kasunod ng pagtaob ng Chinese motor vessel na Hong Hai 16 sa katubigan ng Barangay Malawaan, Rizal sa Occidental Mindoro kahapon, Abril 15.
Idineploy sa lugar para sa paghahanap sa 10 nawawalang crew ng tumaob na barko ang Deployable response Group teams ng PCG personnel mula sa Coast Guard Sub-station San Jose, Special Operations Unit, at Marine Environmental Protection Enforcement Response Group.
Sa 10 crew na nawawala, 7 dito ay Pilipino habang 3 ay Chinese.
Nauna ng nasagip ang nasa 14 na crew members kung saan kabilang dito ang 6 na Pilipino at 8 Chinese national habang nasawi naman ang isang Chinese.
Ayon sa ahensiya, maliban sa search and rescue operations, nagsasagawa din ang mga ito ng underwater assessments at paghahanda para sa diving operations at cutiing work ng Coast Guard Special Operations Group Southern Tagalog.
Base sa initial assessment, nananatiling upright ang barko subalit bahagyang nakalubog kung saan posibleng na-trap ang personnel sa may engine room.
Para naman sa posibleng environmental hazard ng insidente, nakipag-ugnayan na ang PCG sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sakaling kailanganing maglagay ng oil spill containment boom.