-- Advertisements --

Nagsagawa ng medical evacuation ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isang Japanese-flagged bulk carrier na nasa karagatang sakop ng Guiuan, Eastern Samar.

Gamit ng PCG ang BRP Capones (MRRV-4404), sinaklolohan nila ang isang Filipino crew na nakilalang si Esperidion Real na sakay ng M/V Yodohime.

Nabatid na bagamat conscious at nakapagsasalita ang crew, dumanas naman ito ng pagka-paralisa sa kanang bahagi ng katawan.

Ang sumaklolong PCG team ay mula sa Coast Guard District Eastern Visayas.

Agad naman nilang inilipat ang pasyente sa BRP Capones (MRRV-4404) na siyang nagdala rito sa Tacloban Port, bago itinuloy sa Eastern Visayas Medical Center, Tacloban City para sa kaukulang medical attention.