Nagsimula ng tumanggap ang Philippine Coast guard ng mga registration application ng mga may-ari at operator ng mga sasakyang pandagat na sasali sa fluvial procession para sa 460th Fiesta Señor sa darating na Enero 18 sa susunod na taon.
Inihayag ni CG Capt. Jerome Lozada, na ito’y bahagi ng kanilang maagang paghahanda upang matukoy kung ilang mga tauhan at asset ang kanilang ipapakalat para masigurong mapayapa at ligtas ang selebrasyon.
Binigyang-diin pa ni Lozada na dapat aniyang matugunan ng mga pampasaherong sasakyang pandagat ang itinakda ng Maritime Industry Authority.
Nabatid na noong nakaraang fiesta senyor ay nag-deploy ang PCG-7 ng mahigit 20 fastcrafts at 25 jet skis para tumulong sa pamamahala ng fluvial procession at mapanatili ang distansya at bilis ng mga kalahok na sasakyang pandagat.
Ngayong taon, sinabi ni Lozada na susubukan nilang makamit ang ratio ng hindi bababa sa isang PCG personnel na sakay ng bawat kalahok na vessel upang tutulong sa pagpapatupad ng mga safety protocols.
Una nang inanunsyo ng committee na ang “M/V Sto. Niño de Cebu” ng Medallion Transport Inc., na isang roro passenger vessel ang official galleon para sa selebrasyon.
Mayroon pa itong kapasidad na 450 pasahero .