Naka-heightened alert na ang Philippine Coast Guard para sa Undas ngayong taon.
Kaugnay nito, inatasan na ni Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng Coast Guard operating units para itaas ang alerto para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero na magsisiuwian sa mga probinsiya para dalawin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay at sasamantalahing magbakasyon sa araw ng mga kaluluwa sa Nobiyembre 1 at araw ng mga patay sa Nobiyembre 2.
Inatasan din ang PCG Districts, Stations at Sub-Stations na paigtingin pa ang seguridad, kaligtasan, pagiging maasahan ng mga ito at matiwasay na biyahe ng mga pasahero sa Undas.
Mayroon ding ilalagay na DOTr Malasakit Help Desks sa lahat ng mga pantalan, daungan at iba pang pampublikong transportasyon sa buong bansa para tulungan ang mga biyahero. Handa ding mag-augment ang medical teams sa Malasakit Help Desk para sa pagbibigay ng medical assistance sa mga pasahero.
Magsasagawa naman ng inspeksiyon ang Coast Guard K9 units at security teams para mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng publiko bago, sa kasagsagan at pagkatapos ng Undas.
Mayroon ding nakatalagang Coast Guard rescuers at lifeguards sa mga istasyon sa mga baybayin, island resorts at iba pang bakasyunan para mapanatili ang kaligtasan ng publiko.