Nakaantabay ang Philippine Coast Guard (PCG) sa posibleng oil spill mula sa motor tanker na naglalaman ng 800,000 industrial fuel oil na lumubog sa may Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na nag-deploy na sila ng isa sa kanilang vessels na BRP Melchora Aquino sa lugar para magsagawa ng monitoring.
Magpapadala din ng isa pang barko mula sa naval station ng PCG sa Batangas.
Una ng nagsagawa ng aerial surveillance ang PCG nitong Martes matapos na mamataan ang hinihinalang oil spill subalit sinabi ni Balilo na nakumpirma na ito ay diesel fuel lamang mula sa lumubog na tanker na MT Princess empress.
Tiniyak din ni Balilo na walang panganib na dala ang tumagas na diesel fuel sa marine ecosystem sa lugar dahil agad na natutunaw ito.
Ayon pa kay Balilo na nakatakda pang tukuyin ang eksaktong lokasyon ng lumubog na MT Princess Empress. Ipapasakamay naman ang isasagawang salvage operation sa kompaniya na nagmamay-ari sa vessel sa tulong mula sa PCG at iba pang stakeholders.
Nang matanong naman kung may dapat na managot sa naturang insidente, sinabi ni Balilo na iimbestigahan muna at tutukuyin kung may negligence talaga ng nangyari bago gumawa ng aksiyon.