Kumambiyo si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na magkomento sa naging pahayag ni Armed Forces of the Philippine (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. kaugnay sa posibleng invasion o pagsalakay ng China sa bansang Taiwan.
Sa isang pulong balitaan ngayong araw ng Miyerkules, Abril 2, iginiit ni Comm. Tarriela ang commitment ng PCG na nakahanda silang sumuporta sa pamahalaan kung kakailanganin partikular na ang pag-mobilize ng mga assets.
Ginawa ng PCG official ang pahayag nang matanong kaugnay sa papel ng PCG sa battle alert ng AFP sa posibleng Taiwan invasion.
Nitong Martes, Abril 1, hinimok ni AFP chief Brawner ang mga sundalo na maghanda sa posibilidad ng Taiwan invasion sa kaniyang mensahe kasabay ng ika-38 anibersaryo ng Northern Luzon Command (NOLCOM).
Ayon kay Brawner, hindi maiiwasang madamay ang Pilipinas sakaling sumiklab ang giyera dahil sa presensiya ng 250,000 overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Taiwan.
Iginiit din ng AFP chief na kailangang tiyakin ang agarang pag-rescue sa mga kababayan nating Pilipino kayat kailangang palawakin pa ng NOLCOM ang sakop ng kanilang operasyon.
Samantala, ipinunto din ni Comm. Tarriela na nagsasagawa ang PCG ng pagpapatroliya sa Ilocos region na nasa northwestern part ng isla ng Luzon. Tinatayang nasa 847 km ang distansiya nito mula sa Taiwan.