Inanunsyo ng Philippine Coast Guard na sila ay nakikipag-ugnayan na sa China shipping company appointed surveyor para sa isang imbestigasyon ng umano’y banggaan sa pagitan ng Philippine fishing banca at Chinese-flagged vessel MV TAI HANG 8.
Ayon sa isang pahayag, nakipag-ugnayan ang PCG sa maritime services company na Pandiman Philippines, na itinalaga ng Tai Hang Shipping Company Ltd. upang magsagawa ng malinaw at masusing imbestigasyon sa naging sanhi, nature, at lawak ng di-umano’y banggaan.
Gayunpaman, inihayag ng Tai Hang Shipping Company Ltd., gayundin ang Ambassador ng China, na natanggap nila ang opisyal na letter ng PCG sa nangyaring insidente.
Magugunitang noong Disyembre 5, bumangga umano ang Chinese vessel na MV TAI HANG 8 sa isang Filipino fishing banca malapit sa Paluan, Occidental Mindoro, at nagpatuloy sa paglayag, na nag-iwan ng limang indibidwal sa lumubog na bangka nang mahigit apat na oras hanggang sila ay mailigtas.
Idineklara naman nang nasa mabuting kalagayan
at nai-turn over na rin sa kani-kanilang mga pamilya noong Disyembre 5 ang mga biktima.
Nagbabala si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na hahabulin ng kanilang tanggapan ang sinumang gumawa ng mga paglabag na ito sa loob ng karagatan ng Pilipinas.