CEBU CITY – Nakipag-ugnayan na ang Philippine Coast Guard (PCG)-7 sa may-ari ng MV Filipinas Dinagat upang maimbestigahan ang pagkatupok ng nasabing barko kagabi sa karagatan ng Catmon, Cebu.
Sa ngayon, hindi pa malinaw sa mga imbestigador kung bakit nasunog ang halos 95% ng naturang barko kung saan may karga itong assorted goods.
Ayon sa tagapagsalita ng PCG-7 na si Cmdr. Alvin Dagalea, inaalam ngayon ng mga nasasakupan nito kung may tagas ba ang makina na may lamang 5,000 liters na petrolyo.
Nasa ligtas na kalagayan naman ang kapitan ng barko na si Capt. Joel Villanueva at 45 na crew members nito habang nabigyan ng paunang-lunas ang isa sa mga crew nito.
Dagdag pa ni Dagalea na hinihintay sa ngayon ng Coast Guard ang marine protest patungkol sa nasunog na rolling cargo na siyang pagmamay-ari ng Cokaliong Shipping Lines.