Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) na ang BRP Sierra Madre na naka-istasyon sa may Ayungin shoal sa West Philippine Sea ay nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Ginawa ng PCG ang komento isang araw matapos na idemand ng China ang pagtanggal ng military vessel ng Pilipinas mula sa Ayungin shoal na tinawag ng China na Ren’ai Jiao.
Sinabi din ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na hindi niya ma-recall o maalala na nangako ang gobyerno ng Pilipinas na tatanggalin ang BRP Sierra Madre at nagpahapyaw na marahil ay bata pa siya noon.
Ikalawa, sang-ayon din ang opsiyal na nasa layong 115 nautical miles lamang mula sa Palawan ang Ayungin shoal kayat ibig sabihin pasok ito sa exclusive economic zone ng ating bansa at mayroon tayong sovereign rights at hurisdiksiyon sa naturang lugar.
Ito ang naging tugon ng opisyal nang tanungin sa naging statement ng Chinese Ministry of Foreign Affairs kung saan nangako umano ang Pilipinas na tatanggalin ang military vessel mula sa Ayungin shoal dahil makailang beses na aniyang nangako ang Pilipinas na tanggalin ito subalit hindi umano ginagawa ng bansa. Hindi lamang aniya ito, sinusubukan din umano ng Pilipinas na i-overhaul at i-reinforce ang military vessel para permanenteng maokupa ang Ayungin shoal.
Nag-ugat nga ang pagdedemand ng China na tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal matapos ang water cannon incident nangyari noong Agosto 5 habang nagreresuplay ng pagkain, tubig, langis at iba pang suplay ang barko ng PCG sa military troops na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.