-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) na pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas ang Escoda shoal base sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 arbitral award kayat may karapatan ang bansa na mag-operate sa naturang lugar nang walang permiso mula sa anumang bansa.

Ginawa ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang naturang pahayag matapos magprotesta ang China laban sa matagal na pananatili ng barko ng PCG na BRP Teresa Magbanua sa Escoda shoal mula noong Abril ng kasalukuyang taon makaraang mapaulat ang reclamation activities ng China doon.

Ayon pa sa Chinese Foreign Ministry, seryoso umanong nilabag nito ang soberaniya ng China at ang Declaration on the Conduct of Parties sa disputed waters.

Subalit pinuna ni Comm. Tarriela ang pahayag na ito ng Chinese ministry at sinabing ang China ang dapat tumigil na gawing basehan ang 2002 declaration dahil hindi nito sinunod kahit isang probisyon ng naturang deklarasyon.

Sa halip, ang China aniya ang patuloy na lumalabag sa naturang deklarasyon kung saan pinapadala nito ang pinakamalaking Coast Guard vessels kasama ang napakaraming bilang ng Chinese maritime militia na siyang nakakasira sa karagatan at nakakadagdag sa paglala ng tensiyon.

Inihayag din ni Tarriela na ang pagpapadala ng PCG ng barko sa Escoda shoal ay hindi para i-provoke o palalain ang tensiyon ngunit upang protektahan at pangalagaan ang mga karapatan ng Pilipinas sa mga katubigang ito, partikular na laban sa illegal poachers at mga aktibidad na pumipinsala sa marine environment.